<html>
<head>
<meta http-equiv="Content-Type" content="text/html; charset=utf-8">
<title>OHCHR: Filipino (Tagalog) () - Universal Declaration of Human Rights</title>
</head>
<link rel="stylesheet" type="text/css" href="../udhr.css" />
<body>

<h3 align="center">Universal Declaration of Human Rights - Filipino (Tagalog) ()</h3>
<hr>

<div class="udhrtext" lang="tl">
  

<p>Noong Disyembre 10, 1948, ang Pangkalahatang Kapulungan ng mga Bansang Nagkakaisa ay 
nagsagawa at nagpahayag ng Pandaigdig na Pahayag ng mga Karapatan ng Tao. Ang buong 
nilalaman noon ay mababasa sa mga susunod na pahina. Kasunod ng makasaysayang gawaing ito, 
ang Kapulungan ay nanawagan sa lahat ng mga kagawad ng bansa upang ilathala ang nilalaman 
ng Pahayag at &quot;upang ito'y palaganapin, itanghal, basahin, at talakayin lalung-lalo 
na sa mga paaralan at iba pang institusyong edukasyonal, nang walang pagtatangi batay sa 
kalagayang pulitikal ng mga bansa o mga teritoryo.&quot; Pangwakas na Textong May 
Pahintulot na salin sa Pilipino ng Katipunan ng Bagong Pilipina. Ipinaabot ng Punong 
Pangkaalaman ng mga Bansang Nagkakaisa para sa Pilipinas ang taus-pusong pasasalamat sa 
Law Center ng Pamantasan ng Pilipinas na unang naglimbag ng pahayag na ito na salin sa 
Pilipino. Ipinalimbag ng Punong Pangkaalaman ng mga Bansang Nagkakaisa para sa Pilipinas 
at ng Kagawaran ng Kabatirang Pangmadla ng mga Bansang Nagkakaisa. </p>

<hr WIDTH="70%">

<h3>PANDAIGDIG NA PAGPAPAHAYAG NG MGA KARAPATAN NG TAO</h3>

<h4>PANIMULA</h4>

<p>Sapagkat ang pagkilala sa katutubong karangalan at sa pantay at di-maikakait na mga 
karapatan ng lahat ng nabibilang sa angkan ng tao ay siyang saligan ng kalayaan, 
katarungan at kapayapaan sa daigdig. </p>

<p>Sapagkat ang pagwawalang-bahala at paglalapastangan sa mga karapatan ng tao ay nagbunga 
ng mga gawang di-makatao na humamak sa budhi ng sangkatauhan, at ang pagdatal ng isang 
daigdig na ang mga tao ay magtatamasa ng kalayaan sa pagsasalita at ng kaligtasan sa 
pangamba at pagdaralita ay ipinahayag na pinakamataas na mithiin ng mga karaniwang tao. </p>

<p>Sapagkat mahalaga, kung ang tao ay di-pipiliting manghawakan bilang huling magagawa, sa 
paghihimagsik laban sa paniniil at pang-aapi, na ang mga karapatan ng tao'y mapangalagaan 
sa pamamagitan ng paghahari ng batas. </p>

<p>Sapagkat mahalagang itaguyod ang pagpapaunlad ng mabuting pagsasamahan ng mga bansa. </p>

<p>Sapagkat ang mga mamamayan ng Mga Bansang Nagkakaisa ay nagpatibay sa Karta ng kanilang 
pananalig sa mga Saligang karapatan ng tao, sa karangalan at kahalagahan ng pagkatao at sa 
pantay na mga karapatan ng mga lalaki at babae at nagpapasiyang itaguyod ang kaunlarang 
panlipunan at lalong mabubuting pamantayan ng buhay sa lalong malaking kalayaan. </p>

<p>Sapagkat ang mga Kasaping Estado ay nangako sa kanilang sarili na tamuhin sa 
pakikipagtulungan sa mga Bansang Nagkakaisa, ang pagtataguyod ng pandaigdig na paggalang 
at pagtalima sa mga karapatan ng tao at mga saligang kalayaan. </p>

<p>Sapagkat lubhang mahalaga ang pagkakaunawa ng lahat sa mga karapatan at kalayaang ito 
at lubhang mahalaga sa ganap na pagsasakatuparan ng mga pangakong ito. </p>

<p align="center">Ngayon, Samakatuwid, <br>
Ang Pangkalahatang Kapulungan <br>
ay nagpapahayag ng <br>
Pandaigdig na Pagpapahayag na ito <br>
ng mga Karapatan ng Tao </p>

<p>bilang pangkalahatang pamantayang maisasagawa para sa lahat ng tao at bansa, sa 
layuning ang bawat tao at bawat galamay ng lipunan, na laging nasa isip ang Pahayag na 
ito, ay magsikap sa pamamagitan ng pagtuturo at edukasyon na maitaguyod ang paggalang sa 
mga karapatan at kalayaang ito at sa pamamagitan ng mga hakbang na pagsulong na pambansa 
at pandaigdig, ay makamtan ang pangkalahatan at mabisang pagkilala at pagtalima sa mga 
ito, maging ng mga mamamayan ng mga Kasaping Estado at ng mga mamamayan ng mga teritoryo 
na nasa ilalim ng kanilang nasasakupan. </p>

<h4>Artikulo 1</h4>

<p>Ang lahat ng tao'y isinilang na malaya at pantay-pantay sa karangalan at mga karapatan. 
Sila'y pinagkalooban ng katwiran at budhi at dapat magpalagayan ang isa't isa sa diwa ng 
pagkakapatiran. </p>

<h4>Artikulo 2</h4>

<p>Ang bawat tao'y karapat-dapat sa lahat ng karapatan at kalayaang nakalahad sa Pahayag 
na ito, nang walang ano mang uri ng pagtatangi, gaya ng lahi, kulay, kasarian, wika, 
relihiyon, kuro-kurong pampulitika o iba pa, pinagmulang bansa o lipunan, ari-arian, 
kapanganakan o iba pang katayuan. </p>

<p>Bukod dito, walang pagtatanging gagawin batay sa katayuang pampulitika, hurisdiksiyunal 
o pandaigdig na kalagayan ng bansa o teritoryong kinabibilangan ng isang tao, maging ito 
ay nagsasarili, itinitiwala, di-nakapamamahala sa sarili o nasa ilalim ng ano mang 
katakdaan ng soberanya. </p>

<h4>Artikulo 3</h4>

<p>Ang bawat tao'y may karapatan sa buhay, kalayaan at kapanatagan ng sarili. </p>

<h4>Artikulo 4 </h4>

<p>Walang sino mang aalipinin o bubusabusin; ipagbabawal ang ano mang anyo ng pang-aalipin 
at ang pangangalakal ng alipin. </p>

<h4>Artikulo 5</h4>

<p>Walang sino mang pahihirapan o lalapatan ng malupit,di-makatao o nakalalait na 
pakikitungo sa parusa. </p>

<h4>Artikulo 6</h4>

<p>Ang bawat tao'y may karapatang kilalanin saan mang dako bilang isang tao sa harap ng 
batas. </p>

<h4>Artikulo 7 </h4>

<p>Ang lahat ay pantay-pantay sa harap ng batas at may karapatan sa walang pagtatangi ng 
pangangalaga ng batas. Ang lahat ay may karapatan sa pantay na pangangalaga laban sa ano 
mang pagtatangi-tanging nalalabag sa Pahayag na ito at laban sa ano mang pagbubuyo sa 
gayong pagtatangi-tangi. </p>

<h4>Artikulo 8</h4>

<p>Ang bawat tao'y may karapatan sa mabisang lunas ng karampatang mga hukumang pambansa 
tungkol sa mga gawang lumalabag sa pangunahing mga karapatan na ipinagkaloob sa kanya ng 
saligang batas o ng batas. </p>

<h4>Artikulo 9</h4>

<p>Walang sino mang ipaiilalim sa di-makatwirang pagdakip, pagpigil o pagpapatapon. </p>

<h4>Artikulo 10</h4>

<p>Ang bawat tao'y may karapatan sa ganap na pagkakapantay-pantay, sa isang makatarungan 
at hayag na paglilitis ng isang hukumang malaya at walang kinikilingan, sa pagpapasiya ng 
kanyang mga karapatan at panangutan at sa ano mang paratang na kriminal laban sa kanya. </p>

<h4>Artikulo 11</h4>

<ol>
  <li>Ang bawat taong pinararatangan ng pagkakasalang pinarurusahan ay may karapatang ituring 
    na walang-sala hanggang di-napatutunayang nagkasala alinsunod sa batas sa isang hayag na 
    paglilitis na ipinagkaroon niya ng lahat ng garantiyang kailangan sa kanyang pagtatanggol. 
  </li>
  <li>Walang taong ituturing na nagkasala ng pagkakasalang pinarurusahan dahil sa ano mang 
    gawa o pagkukulang na hindi isang pagkakasalang pinarurusahan, sa ilalim ng batas pambansa 
    o pandaigdig, noong panahong ginawa iyon. Hindi rin ipapataw ang parusang lalong mabigat 
    kaysa nararapat nang panahong magawa ang pagkakasalang pinarurusahan. </li>
</ol>

<h4>Artikulo 12</h4>

<p>Walang taong isasailalim sa di-makatwirang panghihimasok sa kanyang pananhimik, 
pamilya, tahanan o pakikipagsulatang ni sa tuligsa sa kanyang karangalan at mabuting 
pangalan. Ang bawat tao'y may karapatan sa pangangalaga ng batas laban sa gayong mga 
panghihimasok o tuligsa. </p>

<h4>Artikulo 13</h4>

<ol>
  <li>Ang bawat tao'y may karapatan sa kalayaan ng pagkilos at paninirahan sa loob ng mga 
    hanggahan ng bawat estado. </li>
  <li>Ang bawat tao'y may karapatang umalis sa alin mang bansa, pati na sa kanyang sarili, at 
    bumalik sa kanyang bansa. </li>
</ol>

<h4>Artikulo 14 </h4>

<ol>
  <li>Ang bawat tao'y may karapatang humanap at magtamasa sa ibang bansa ng pagpapakupkop 
    laban sa pag-uusig. </li>
  <li>Ang karapatang ito'y hindi mahihingi sa mga pag-uusig na tunay na nagbubuhat sa mga 
    pagkakasalang di-pampulitika o sa mga gawang nasasalungat sa mga layunin at simulain ng 
    mga Bansang Nagkakaisa. </li>
</ol>

<h4>Artikulo 15 </h4>

<ol>
  <li>Ang bawat tao'y may karapatan sa isang pagkamamamayan. </li>
  <li>Walang sino mang aalisan ng kanyang pagkamamamayan ng walang katwiran ni pagkakaitan ng 
    karapatang magpalit ng kanyang pagkamamamayan. </li>
</ol>

<h4>Artikulo 16</h4>

<ol>
  <li>Ang mga lalaki't babaeng may sapat na gulang ay may karapatang mag-asawa at magpamilya 
    nang walang ano mang pagtatakda dahil sa lahi, bansang kinabibilangan o relihiyon. 
    Nararapat sila sa pantay-pantay na karapatan sa pag-aasawa, sa panahong may asawa at 
    pagpapawalang bisa nito. </li>
  <li>Ang pag-aasawa'y papasukan lamang sa pamamagitan ng malaya at lubos na pagsang-ayon ng 
    mga nagbabalak magkapangasawahan. </li>
  <li>Ang pamilya ay likas at pangunahing pangkat sa sangay ng lipunan at karapat-dapat sa 
    pangangalaga ng lipunan at ng Estado. </li>
</ol>

<h4>Artikulo 17</h4>

<ol>
  <li>Ang bawat tao'y may karapatang mag-angkin ng ari-arian nang mag-isa gayon din na kasama 
    ng iba. </li>
  <li>Walang sino mang aalisan ng kanyang ari-arian nang walang katwiran. </li>
</ol>

<h4>Artikulo 18</h4>

<p>Ang bawat tao'y may karapatan sa kalayaan ng pag-iisip, budhi at relihiyon; kasama sa 
karapatang ito ang kalayaang magpalit ng kanyang relihiyon o paniniwala maging nag-iisa o 
kasama ang iba sa pamayanan upang ipakilala ang kanyang relihiyon o paniniwala sa 
pagtuturo, pagsasagawa,pagsamba at pagtalima. </p>

<h4>Artikulo 19</h4>

<p>Ang bawat tao'y may karapatan sa kalayaan ng pagkukuro at pagpapahayag; kasama ng 
karapatang ito ang kalayaan at kuru-kuro nang walang panghihimasok at humanap, tumanggap 
at magbigay ng impormasyon at kaisipan sa pamamagitan ng alin mang paraan ng pagkakalat at 
walang pagsasaalang-alang ng mga hanggahan. </p>

<h4>Artikulo 20</h4>

<ol>
  <li>Ang bawat tao'y may karapatan sa kalayaan sa mapayapang pagpupulong at pagsasamahan. </li>
  <li>Walang sino mang pipiliting sumapi sa isang kapisanan. </li>
</ol>

<h4>Artikulo 21</h4>

<ol>
  <li>Ang bawat tao'y may karapatang makilahok sa pamahalaan ng kanyang bansa, sa tuwiran o sa 
    pamamagitan ng mga kinatawang malayang pinili. </li>
  <li>Ang bawat tao'y may karapatan sa pantay na pagpasok sa paglilingkod pambayan ng kanyang 
    bansa. </li>
  <li>Ang kalooban ng bayan ang magiging saligan ng kapangyarihan ng pamahalaan; ang kaloobang 
    ito'y ipahahayag sa tunay na mga halalan sa pana-panahon sa pamamagitan ng pangkalahatan 
    at pantay-pantay na paghahalal at idaraos sa pamamagitan ng lihim na balota o sa katumbas 
    na pamamaraan ng malayang pagboto. </li>
</ol>

<h4>Artikulo 22</h4>

<p>Ang bawat tao, bilang kasapi ng lipunan, ay may karapatan sa kapanatagang panlipunan at 
nararapat na makinabang sa pamamagitan ng pambansang pagsisikap at pakikipagtulungang 
pandaigdig at alinsunod sa pagkakabuo at mga mapagkukunan ng bawat Estado, sa mga 
karapatang pangkabuhayan, panlipunan at pangkalinangan na lubhang kailangan para sa 
kanyang karangalan at sa malayang pagpapaunlad ng kanyang pagkatao. </p>

<h4>Artikulo 23</h4>

<ol>
  <li>Ang bawat tao'y may karapatan sa paggawa, sa malayang pagpili ng mapapasukang 
    hanapbuhay, sa makatarungan at kanais-nais na mga kalagayan sa paggawa at sa pangangalaga 
    laban sa kawalang mapapasukang hanap-buhay. </li>
  <li>Ang bawat tao'y may karapatan sa kapantay na bayad ng kapantay na gawain, nang walang 
    ano mang pagtatangi. </li>
  <li>Ang bawat taong gumagawa ay may karapatan sa makatarungan at nababatay sa kabayarang 
    tumitiyak sa kanyang sarili at sa kanyang pamilya ng kabuhayang karapat-dapat sa 
    karangalan ng isang tao, at pupunan, kung kailangan, ng iba pang paraan ng pangangalangang 
    panlipunan. </li>

<li>Ang bawat tao'y may karapatang magtatag at umanib sa mga unyon ng manggagawa para sa 
pangangalaga ng kanyang mga kapakanan. </li>
</ol>

<h4>Artikulo 24</h4>

<p>Ang bawat tao'y may karapatan sa pamamahinga at paglilibang, kasama ang mga makatwirang 
pagtatakda ng mga oras ng paggawa at may sahod sa mga pana-panahong pista opisyal. </p>

<h4>Artikulo 25</h4>

<ol>
  <li>Ang bawat tao'y may karapatan sa isang pamantayan ng pamumuhay na sapat para sa 
    kalusugan at kagalingan ng kanyang sarili at ng kanyang pamilya, kasama na ang pagkain, 
    pananamit, paninirahan at pagpapagamot at kinakailangang mga paglilingkod panlipunan, at 
    ng karapatan sa kapanatagan sa panahong walang gawain, pagkakasakit, pagkabalda, 
    pagkabalo, katandaan at iba pang kakapusan sa ikabubuhay sa mga di-maiiwasang pangyayari. </li>
  <li>Ang pagkaina at pagkabata ay nararapat sa tanging kalinga at tulong. Ang lahat ng bata, 
    maging anak na lehitimo o di-lehitimo, ay magtatamasa ng gayon ding pangangalagang 
    panlipunan. </li>
</ol>

<h4>Artikulo 26</h4>

<ol>
  <li>Ang bawat tao'y may karapatan sa edukasyon. Ang edukasyon ay walang bayad, doon man 
    lamang sa elementarya at pangunahing antas. Ang edukasyong elementarya ay magiging 
    sapilitan. Ang edukasyong teknikal at propesyonal ay gagawing maabot ng lahat at ang 
    lalong mataas na edukasyon ay ipagkakaloob nang pantay-pantay sa lahat batay sa pagiging 
    karapat-dapat. </li>
  <li>Ang edukasyon ay itutungo sa ganap na pagpapaunlad ng pagkatao at sa pagpapalakas ng 
    paggalang sa mga karapatan ng tao at mga pangunahing kalayaan. Itataguyod nito ang 
    pagkakaunawaan, pagbibigayan, at pagkakaibigan ng lahat ng bansa, mga pangkat na panlahi o 
    panrelihiyon, at palawakin ang mga gawain ng mga Bansang Nagkakaisa sa ikapapanatili ng 
    kapayapaan. </li>
  <li>Ang mga magulang ay may pangunahing karapatang pumili ng uri ng edukasyong ipagkaloob sa 
    kanilang mga anak. </li>
</ol>

<h4>Artikulo 27</h4>

<ol>
  <li>Ang bawat tao'y may karapatang makilahok nang malaya sa buhay pangkalinangan ng 
    pamayanan, upang tamasahin ang mga sining at makihati sa mga kaunlaran sa siyensiya at sa 
    mga pakinabang dito. </li>
  <li>Ang bawat tao'y may karapatan sa pangangalaga ng mga kapakanang moral at materyal bunga 
    ng alin mang produksiyong pang-agham, pampanitikan o pansining na siya ang may-akda. </li>
</ol>

<h4>Artikulo 28</h4>

<p>Ang bawat tao'y may karapatan sa kaayusang panlipunan at pandaigdig na ang mga 
karapatan at mga kalayaang itinakda sa Pahayag na ito ay ganap na maisasakatuparan. </p>

<h4>Artikulo 29</h4>

<ol>
  <li>Ang bawat tao'y may mga tungkulin sa pamayanan sa ikaaari lamang ng malaya at ganap na 
    pagkaunlad ng kanyang pagkatao. </li>
  <li>Sa paggamit ng kanyang mga karapatan at mga kalayaan, ang bawat tao'y masasaklaw lamang 
    ng mga katakdaan gaya ng ipinapasya ng batas ng tanging sa layunin lamang ng pagtatamo ng 
    kaukulang pagkilala at paggalang sa mga karapatan at mga kalayaan ng iba at sa pagtugon sa 
    makatarungang kahilingan ng moralidad, kaayusang pambayan at ng pangkalahatang kagalingan 
    sa isang demokratikong lipunan. </li>
  <li>Ang mga karapatan at kalayaang ito ay hindi magagamit sa ano mang pangyayari nang 
    nasasalungat sa mga layunin at mga simulain ng Mga Bansang Nagkakaisa. </li>
</ol>

<h4>Artikulo 30</h4>

<p>Walang bagay sa Pahayag na ito na mapapakahulugan ang nagbibigay sa alin mang Estado, 
pangkat o tao ng ano mang karapatang gumawa ng ano mang kilusan o magsagawa ng ano mang 
hakbang na naglalayong sirain ang nakalahad dito. </p>


</div>


<hr>
<font size=-1>
&copy; The Office of the High Commissioner for Human Rights<br><br>

OHCHR-UNOG<br>
8-14 Avenue de la Paix<br>
1211 Geneva 10, Switzerland<br><br>

+41 22 917-9000<br>
udhr@ohchr.org<br>
</font>
</body>

</html>
